Manila, Philippines – “Mahirap maging mahirap. Kaya huwag na natin sila mas pahirapan pa.”

Ito ang inihayag ni Senador Bong Go dahil sa nakikita at nalalaman niyang kalagayan ng mga mahihirap habang karamihan sa lugar sa bansa ay sumasailalim sa enhanced community quarantine.


Kaya nga suportado ni Go ang panukalang batas na magpapalawig sa kapangyarihan at mabibigyan ang pamahalaan ng flexibility na kailangan nito para tugunan ang coronavirus disease (COVID-19) situation sa bansa at matulungan ang mga filipino na apektado ng virus.


“Siguraduhin natin na magamit ang pera ng bayan ng tama. Siguraduhin natin na makarating ang tulong sa pinaka-nangangailangan at pinaka-mahihirap nating mga kababayan. Siguraduhin natin na walang pinipiling oras ang ating pagtulong at pagserbisyo sa bayan,” ayon kay Go sa kanyang co-sponsorship speech para sa Senate Bill (SB) No. 1418, o mas kilala bilang “Bayanihan to Heal as One Act”.


Binigyang diin ni Go na prayoridad ng batas ay ang palawigin ang kapasidad ng pamahalaan na makapagbigay ng agarang healthcare na kailangan para resolbahin ang problema sa kalusugan at magapi ang virus at magbigay ng cash at food assistance sa mga apektado ng krisis.


Pinaalalahanan naman ni Go ang mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan partikular na ang Department of Social Welfare and Development, na siguraduhin na ang mga ordinaryong mamamayan ay mapapangalagaan lalo na iyong nangangailangan ng atensyon ng pamahalaan.


“Siguraduhin natin na makakarating ang tulong sa mga mahihirap at sa mga taong pinaka-nangangailangan. Siguraduhin natin na nararamdaman ang tulong ng gobyerno ng mga taong pinaka-apektado sa krisis na ito – ang mga taong walang maaasahang iba, mga walang trabaho, at ‘yung mga walang savings. Tutukan natin ang mga vulnerable groups, tulad ng senior citizens, persons with disabilities, at indigent indigenous peoples,”


“Alalayan rin natin ang mga informal economy workers – mga vendors, Public Utility Vehicle drivers, tulad ng mga namamasadang taxi drivers, tricycle, bus, jeep at iba pa. Pati na rin po ang mga tisikad, pedikab, habal-habal at mga nagtatrabaho sa Transportation Network Vehicle Services o TNVS, katulad ng Grab, Angkas, Joyride. Lalong lalo na po ang mga kababayan natin na ‘isang kahig, isang tuka’ – mga daily wage earners na kinakailangang tumigil sa pagtatrabaho para maging ligtas mula sa pagkalat ng sakit na ito,” ayon kay Go.


Aniya pa, hangga’t maaari na naisin ng pamahalaan na manatili ang lahat sa loob ng kanilang tahanan ay titiyakin naman ng gobyerno na maibibigay nito ang pangangailangan ng bawat pamilya at tiyakin na ang seguridad na kanilang kailangan ay nasa ayos upang manatili ang mga ito sa kanilang tahanan.


“Responsibilidad natin na alagaan ang ating mga kababayan na pinilit nating hindi lumabas ng kanilang mga bahay. Nag-impose tayo ng strict measures para maprotektahan ang kalusugan nila pero hindi dapat doon nagtatapos ang responsibilidad natin sa pag-aalaga sa kanila,” paliwanag ni Go.


Samantala, umapela naman si Go sa kanyang mga kapuwa filipino na magtiwala sa pamahalaan at sundin lamang ang payo ng mga awtoridad para labanan ang paglaganap ng nasabing sakit.


“I appeal to my fellow Filipinos: magtiwala po kayo sa inyong gobyerno. Sumunod po tayo sa mga patakaran ng Inter-Agency Task Force (on Emerging Infectious Diseases). Wala po kaming ibang hangarin kung hindi ang kapakanan ninyo at kalusugan ng bawat Pilipino,” aniya pa rin.


Tinukoy ni Go ang situwasyon sa ibang bansa kung saan ay walang pinatawad kahit na isa ang COVID-19 kaya kailangan aniya ang kooperasyon ng publiko sa pakikipaglaban sa naturang sakit.


“Nakita naman natin sa ibang bansa na mas mayaman at mas moderno kesa sa Pilipinas, pati sila tinamaan pa rin. Wala pong pinipili ang sakit na ito. Kaya napaka-importante ng kooperasyon ng bawat isa sa atin,” anito.


At gaya aniya ng sinabi ni Pamgulong Duterte na “We are now in the fight of our lives.”


“Kung hindi tayo magkakaisa at kung hindi natin tutulungan ang ating gobyerno, siguradong matatalo tayo ng COVID-19”.


Samantala, pinaalalahanan naman ni Go ang mga kapuwa niya public servants sa pamahalaan lalo na ang nasa local government units at mga namumuno sa mga barangay na isantabi muna ang politika at maging accountable sa at pagkaisahin ang mga mamamayan.


“Unahin natin ang buhay at kapakanan ng bawat Pilipino,” ani Go. Kris Jose


Source: https://remate.ph/go-sa-mga-ahensiya-ng-pamahalaan-food-cash-assistance-sa-vulnerable-groups-gawing-prayoridad/