Manila, Philippines – Sa kabila ng hirap na dinaranas dahil sa coronavirus disease (COVID-19) pandemic, marami pa rin tayong mga kababayan na nanatiling tapat sa pamamagitan ng pagsasauli ng nadobleng cash assistance mula sa pamahalaan.


Kaya naman pinuri ni Senator Christopher Lawrence “Bong” Go ang mga tapat ay may mabubuting pusong benepisyaryo na minabuting ibalik ang dobleng emergency financial assistances na nakuha para mapunta naman sa mga pamilyang hindi pa nakatatanggap.


Kamakailan, dalawang indibidwal mula sa Las Piñas City ang nagsauli ng cash aid matapos nilang malaman na ang kanilang employer ay naghain ng financial assistance sa Social Security System.


Sina Bernie Rejano Donato at Carlos Simbillo, aircon installer at aircon technician, ayon sa pagkakasunod, ay kapwa nagbalik ng P8,000-cash aid na nakuha nila sa City Social Welfare and Development. Labis silang pinasalamatan ng DSWD sa kanilang katapatan.


“Natutuwa po ako sa mga balita na may mga kababayan tayong tapat lalo na sa ganitong panahon. Itong nakaraan lang, nabalitaan ko yung dalawang manggagawa sa Las Piñas na sinauli ang (Social Amelioration Program) assistance nila dahil may benefits na sila sa SSS,” ani Go.


“Malaking bagay po ang pagiging tapat nila. Dahil doon, ang pera na ibinalik nila ay mapupunta sa iba pang nangangailangan ng tulong,” ang dagdag ng senador.


Simula nang COVID-19 outbreak, target ng DSWD ang 18 million low-income families na mabigyan ng financial assistance sa pamamagitan ng SAP.


Sa kasalukuyan, sinabi ng DSWD na nakapagbigay na ito ng financial grant sa may 16.1 million beneficiaries na umaabot sa halagang P90.5 billion.


Bukod sa DSWD assistance, ang Department of Labor and Employment ay nakapagbigay na rin ng P3.247 bilyong halaga ng financial aid sa pamamagitan ng COVID-19 Adjustment Measurement Program sa mga manggagawang nawalan ng kita.


Ang Social Security System naman ay nakapamahagi na rin ng tinatayang P20.4 billion cash grants sa higit @ million employee-beneficiaries sa ilalim ng Small Business Wage Subsidy Program.


“Nananawagan po ako sa mga kapwa kong Pilipino na sundan natin ang mabuting ehemplo ng ating mga tapat na kababayan. Ito ang bayanihan na kailangan natin sa panahon ngayon.”


“For every honest Filipino, another Filipino family which needs help is saved. Kaya kung nakatanggap po kayo ng dobleng ayuda, pakiusap ko lang po na ibalik niyo. Honesty will go a long way. The more we help each other, the faster we will overcome this crisis caused by COVID-19,” ayon kay Go.


“Sa panahon ngayon, tanging konsensya talaga ang gabay ng lahat para walang masayang sa kaban ng bayan. Gawin po natin ang tama at siguraduhing matulungan lahat ng nangangailangan. In this time of crisis, every peso must be accounted for,” pahabol niya. RNT/Kris Jose


Source: https://remate.ph/honesty-is-the-best-policy-nakadoble-nagsauli-ng-covid-19-cash-aid-pinuri-ni-sen-go/