Nakatikim ng matinding pagsupalpal kay Senador Bong Go si Bureau of Corrections (BuCor) director general Nicanor Faeldon hinggil sa pag-recall ng release order ni dating Calauan Mayor Antonio Sanchez bago ipatigil ni Pangulong Duterte.


Sa ikalawang pagdinig ng Senate blue ribbon committee, ipinagmalaki ni Faeldon na kanyang inisyatiba ang pag-recall sa release order ni Sanchez dahil hindi kuwalipikado ang kriminal sa Good Conduct Time Allowance (GCTA) Law.


Ngunit nang dumating si Go sa pagdinig matapos ipatawag ni Senador Panfilo Lacson, pinabulaanan ng mambabatas ang testimonya ni Faeldon hinggil sa pag-recall ng release order ni Sanchez.


“Si Pangulong Duterte mismo ang nag-utos na bawiin at huwag palayain si Sanchez,” ayon kay Go.


Sinabi ni Go na pumutok ang nakaambang paglaya ni Sanchez noong Agosto 20 kaya kaagad itong tumawag kay Faeldon at kay Justice Undersecretary Jenny Ong na inatasan silang pigilin ang release order ni Sanchez.


Inamin naman ni Justice Secretary Menardo Guevarra na nakatanggap siya ng tawag noong umaga ng Agosto 21 mula kay Ong hinggil sa kautusan ng Pangulo laban sa release order ni Sanchez.


Ayon kay Guevarra kaagad siyang nag-text kay Faeldon upang pigilin ang paglaya ni Sanchez.  


Ngunit nanindigan si Faeldon na bago tumawag si Go, pinigilan na niya ang paglaya ni Sanchez dahil hindi kuwalipikado ang naturang kriminal.


“Abogado ang ating Pangulo kaya alam niyang hindi qualified sa batas o sa GCTA ang mga nahatulan sa heinous crime,” ayon kay Go.


Ayon sa senador, tuloy-tuloy ang kampanya ni Pangulong Duterte laban sa kriminalidad. Magkasama aniya sila ng Pangulo at asahan ng mga biktima na hindi papayag si Pangulong Duterte na ganun na lang po basta-basta.


“Sabi ni Pangulong Duterte, magkakaroon siya ng sarili niyang imbestigasyon. Gusto niyang malaman kung may korapsyon na involved kung bakit na-release ang mga prisoners na involved sa heinous crimes,” aniya. 


https://remate.ph/release-order-kay-sanchez-faeldon-supalpal-kay-sen-go/