Sa mga pagkakataon na makikita si Sen. Bong Go sa telebisyon, seryosos at matalas ang mga salitang binibitawan. Tibay ng loob at tapang ang kanyang larawan sa tuwing magpapahayag ng opinyon sa mga panayam tungkol sa mga isyu na kinakaharap ng bansa.


Subalit nitong nakaraang November 12, ibang Sen. Bong Go ang humarap sa mamamayan ng Paluan kung saan pinangunahan niya ang turn-over ng tatlumpung bangka (30) sa mga nasiraan bunsod ng bagyong Quiel.


Lulan ng chopper at mula sa landing area, nagtungo si Sen. Bong Go sa naghihintay na mamamayan ng Paluan sakay ng motorsiklo. Pagdating pa lang nya, ngiti na ang isinalubong niya sa lahat.


Sa dalamhating naramaman ng mangingisda na nasiraan ng bangka, tulong at hindi matatawarang ngiti ang dala ni Sen. Bong Go kasama sina Occidental Mindoro Gov. Ed Gadiano, Vice Gov. Peter Alfaro at mga Bokal na sina Philip Ramirez, Sonia Pablo, AJ Rebong, Jun Abeleda at Michelle Festin.


Dala ni Sen. Bong Go ang iba pang tulong mula sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno:


P100,000.00 o P5,000.00 bawat pamilya mula sa PCSO

30 units 20-footer fiber glass reinforced plastic boat with 6.5HP gasoline engine

P30,000.00 at P20,000.00 para sa totally damaged at partially damaged household ayon sa pagkakasunod mula sa National Housing Authority

100pcs 5×17 malong mula sa DSWD

livelihood assistance programs mula sa DTI

P100,000.00 para lokal na pamahalaan ng Rizal

Nagbigay din siya ng P2,000.00 at grocery sa bawat apektadong pamilya mula sa sariling bulsa.


Pagpasok sa tent kung saan nahihintay ang karamihan, malulutong na tawanan agad ang nangibabaw sa kabila ng init na nararamdaman ng lahat.


Sa unang bahagi ng kanyang pananalita, paminsan minsan ay nawawala ang microphone. Dito na nagsimula ang pagbibigay saya ni Sen. Bong Go.


Biro niya, “Narito ba si Trillanes? Ba’t nawawala microphone ko?”.


Lalo pa siyang ginanahan ng marinig ang isang residente na nagsalita ng Bisaya.


“May Bisaya dito?”, tanong niya. Sinundan ito ng pagsasalita niya sa lenggwaheng Bisaya na nagbiro na bibigyan niya ng pamasahe ang gustong umuwi sa Visayan area.


Lalo pang umugong ang tawanan at kasiyahan sa pagdating ng aktor na si Philip Salvador na naging ka-tandem niya sa mga biruan at kwentuhan.


Sa pagitan ng biruan, nagbigay din mga seryosong paalala si Bong Go. Hinimok niya ang lahat na ingatan at panatilihing malinis ang karagatan.


“Huwag po kayong magtapon ng plastic”, aniya.


Ibinalita din niya na malaki ang posibilidad na sa 2023 pa magkaroon ng eleksyon para sa mga barangay officials. Aniya, maikli ang dalawang taon para may magawang proyekto ang mga barangay officials kung kayat ipagpapaliban ang kanilang eleksyon hanggang 2023.


Iginiit din niya ang pag-iwas sa droga dahil walang duda umano na sinisira nito ang katauhan ng gumagamit nito, ganun din ang panawagan na suportahan si Pangulong Duterte.


“Ako, nakikiusap ako sa mga bata, tulungan po natin, tayo mga nanay at tatay, tulungan natin si Pangulong Duterte sa kampanya laban sa iligal na droga, kampanya laban sa kriminalidad, kampanya laban sa kurapsyon sa gobyerno”.


Pinaalalahanan din niya ang mga bata na iwasan ang droga.


“Layuan nyo yung droga. Mga bata, pag merong nagpatikim senyo ng droga, sabihin nyo “hoy isusumbong ko kayo kay Duterte”. Alam nyo ba kung bakit, merong kemikal na hinalo dyan. Yung kemikal para siraan yung utak ng Pilipino. Yung baterya ng sasakyan. Kaya ginagawang robot ang Pilipino pag nakatikim ng droga. Kaya’t layuan nyo yang droga. Basketball na lang tayo!”, paliwanag ni Sen. Bong Go.


Subalit ang higit na nagpasaya sa mamamayan ng Paluan ay pangako ni Sen, Bong Go na tutulong na muling maayos ang nasirang sea wall.


Source: https://puntomindoro.wordpress.com/2019/11/14/punto-mindoro-sen-bong-go-pinasaya-ang-bayan-ng-paluan-dtp/