Binigyan-diin ngayon ni Senador Christopher Bong Go na nanatili ang mataas na pagtingin nila ni Pangulong Rodrigo Duterte sa unang banayi ng bansa na si Lapu-lapu.


Sa katunayan sinabi ni Go, itinatag ng Pangulo noong 2017 ang Order of Lapu-Lapu Award bilang parangal sa kagitingan ng mga kahanga-hangang indibidwal na nagseseserbisyo sa bansa ngayon.


Inihalimbawa pa ni Go ang kabayanihan ni Lapu-lapu sa makabagong bayaning Pilipino na nagkakaisa para labanan ang COVID-19.


Kasabay nito nagpaliwanag din ang senador sa naging talumpati niya sa quincentennial anniversary commemoration sa Lapu-Lapu City noong April 27 kung saan binanggit niya na si Lapu-lapu ay may dugong tausug mula Mindanao.


Ayon kay Go humihingi siya nang paumanhin kung iba ang dating ng kanyang naikwento subalit nilinaw nitong buo ang kanyang respeto sa kasaysayan at walang intensyong baguhin ang paghanga at paniniwala sa buhay ng ating mga bayani.


Handa naman umano ang senador na makinig at matuto base sa kaalaman ng mga eksperto sa larangan ng kasaysayan.


Source: https://brigadanews.ph/kabayanihan-ni-lapu-lapu-maihahalintulad-sa-makabagong-bayaning-filipino-na-nagkakaisa-para-labanan-ang-covid-19-go/