Sa Talk to the People kamakailan, binigyang-diin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang kagustuhan na wakasan na ang korupsiyon sa gobyerno bago matapos ang kanyang termino. Kaya naman, inirekomenda ang pagtatag ng expanded agency task force na layuning tuligsain ang korupsiyon sa ating burukrasya.



Nakagagalit sa tuwing may nababalitaan tayong isyu ng korupsiyon sa mga ahensiya ng gobyerno. Hindi ito dapat palampasin. Imbestigahan ang lahat ng mga ahensiyang magwawaldas sa kaban ng taumbayan. Wala tayong pipiliin, wala tayong sasantuhin. Kasuhan na ang mga dapat makasuhan. Tuluyan na ang mga dapat tuluyan.



Galit na ang Pangulo sa mga nababalitang laganap na korupsiyon. Kaya dapat hindi tayo papayag na masira ang magandang pagbabago na pinaghirapan nating lahat sa mahigit apat na taon dahil lang sa kalokohan ng iilan.



Sa natitirang isang taon at walong buwan sa termino ng Pangulo, mas palalakasin pa ang kampanya laban sa korupsiyon, kriminalidad at ilegal na droga. Ito ang dahilan kaya pursigido tayong mabuo na ang expanded anti-corruption task force na iimbestiga sa katiwalian sa lahat ng mga ahensiya ng gobyerno.



Magtulungan tayong lahat para matigil na ang katiwalian sa gobyerno mula sa pinakamababa hanggang sa pinakamataas na antas ng gobyerno.



Kung paano tayo magbabayanihan ngayon para labanan ang pandemya, magkaisa rin dapat tayo para puksain ang sakit na korupsiyon sa ating sistema. Magkaisa tayo upang tanggalin ang mga ‘bad eggs’ sa burukrasya para hindi na makasira pa sa serbisyo ng gobyerno o makahawa pa sa mga ibang kawani na nais lang magsilbi sa kapwa.



Pilayan o putulan na ng daliri para hindi na makagalaw at magnakaw. Sa pamamagitan ng expanded task force, mabibigyan ng karampatang aksiyon ang mga report ng katiwalian. Kabilang diyan ang preventive suspension na mainam na paraan para hindi na makagawa pa ng kalokohan o makipagsabwatan para maitago ang katotohanan.



Dapat ding ma-lifestyle check ang mga nasa gobyerno para matingnan kung saan nila kinukuha ang kanilang pera. ‘Yung iba riyan hindi naaayon sa kanilang suweldo ang pamumuhay — suweldong gobyerno pero buhay milyonaryo.



Sa tulong ng mga mekanismong ito, naniniwala tayong mas mapapaigting ang kampanya ng gobyerno kontra katiwalian, mapo-protektahan din ang pera ng taumbayan, at mabibigyan ang ating mga kababayan ng sapat, malinis at nararapat na serbisyo para sa ikabubuti ng bawat Pilipino.


Source: https://www.bulgaronline.com/post/mga-ahensiyang-magwawaldas-sa-kaban-ng-taumbayan-katapusan-n-yo-na