Walang tigil ang pamahalaan sa pagpoprotekta sa kapakanan ng bawat mamamayan, lalo na ngayong panahon ng pandemya. Andito pa rin ang COVID-19 at bukod dito ay may iba’t iba pa tayong mga suliranin na dapat harapin. 


Nitong Miyerkules, nagbigay tayo ng ayuda sa mga market vendors sa Jolo, Sulu; at sa Opol, Misamis Oriental. Nakatanggap din ng tulong ang mga pastor sa Cagayan de Oro City. 


Kahapon ay nag-abot tayo ng tulong sa mga apektado ng nakaraang bagyo sa San Miguel at Barobo sa Surigao del Sur. At ngayong Biyernes, muli tayong nag-abot ng ayuda sa Tagbina at Tago sa Surigao del Sur.


Ngayon, gusto nating bigyang-atensiyon ang iba pang isyu na pumipinsala sa ating lipunan. Isang halimbawa nito ay ang pagkakalat ng mga malalaswang larawan at videos ng mga kabataan na diumanong ibinebenta online. Nananawagan sa mga awtoridad na bigyang-pansin ang ulat na ito para matigil na. Tiyak tayong na ang kalaswaan ay dulot din ng kahirapan pero hindi ito rason para ibenta ang kanilang kaluluwa. 


Muli nating tinatawag ang pansin ng Council for the Welfare of Children para alagaan ang kapakanan ng mga bata. Gabayan natin sila dahil hindi nila kailangan gawin ang mga ito para lang sa pera.


Kaugnay nito, nag-file ang inyong lingkod ng Senate Bill 1650 nitong July 2020 para ayusin ang Republic Act No. 7610 o ang “Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act” para mapabuti ang mga hakbang na magbibigay-proteksiyon sa dignidad at kapakanan ng kabataan — sisikapin nating maisabatas ito. 


Ngayong 2021, mas maging maingat tayo sa kalusugan at kapakanan habang tayo ay gumagaling bilang bansa. Huwag kalimutan na manatiling responsable at ligtas para labanan ang COVID-19. 


Bilang Chair ng Senate Committee on Health and Demography, patuloy ang ating paglilingkod sa sambayanang Pilipino sa pamamagitan ng mga inisyatibong pangkalusugan.


Patuloy lang din ang pagbubukas ng mga Malasakit Center sa bansa. Kabubukas lang natin noong Miyerkules ng ika-97 na Malasakit Center sa Sulu Provincial Hospital sa Jolo, Sulu upang mas lalong mapabuti natin ang serbisyong medikal at pangkalusugan. Natutuwa tayong ibalita na higit isang milyong Pilipino na ang natulungan ng ating mga Malasakit Centers. 


Muli, gusto nating bigyang-diin na dapat tayong sumunod sa mga health protocols para labanan ang COVID-19. 


May bagong strain na umiikot sa iba’t ibang parte ng mundo. Kaya’t sabay-sabay tayong maging mapagbantay para iwasan ang pagkalat nito. 


Huwag tayong mag-alala, ginagawa ng pamahalaan ang lahat para makakuha ng sapat, ligtas at epektibong bakuna laban sa COVID-19 at tiyak na uunahin ang mahihirap, nasa vulnerable sectors, at ang frontliners. 


Ngayong 2021, paigtingin pa natin ang pagsisikap para sugpuin ang mga hamon na ating hinaharap bilang isang bansa. Ipagpatuloy natin ang ating bayanihan. Kayang-kaya natin ito!


Source: https://www.bulgaronline.com/post/pagkalat-ng-malalaswang-larawan-at-videos-ng-mga-kabataan-na-ibinebenta-online-kailangang-tutukan