SPINANGUNAHAN ni Senate Committee on Health Chairman Senator Christopher Bong Go ang pagbubukas ng ika-88 Malasakit Center sa Don Emilio del Valle Memorial Hospital sa Bohol.


Ito ang pangalawang Malasakit Center sa Bohol kung saan unang nailunsad ang Malasakit Center sa Governor Celestino Gallares Memorial Hospital sa Tagbilaran noong October 12, 2018.

 

Sa kanyang talumpati, pinuri ni Go ang mga tapat na empleyado ng PhilHealth sa pagtugon sa kanilang tungkulin sa pag-una sa interes ng publiko.


Kaugnay nito ay ipinaalala ni Go sa mga bagong opisyal ng PhilHealth sa pangunguna ni Atty. Dante Gierran na tiyakin na magamit ang public funds sa pagbibigay ng kalidad na health care.


Binigyang diin ni Go na batid naman niyang maraming matitino sa PhilHealth kaya hinimok niya ang mga ito na unahin ang interes ng taumbayan at ibalik ang pera sa pamamagitan ng maayos na serbisyo.


Muli namang ipinaalala ni Go sa mga korap na opisyal at empleyado ng ahensiya na tutuluyan sila at hindi sila titigil ni Pangulong Rodrigo Duterte hanggang hindi nalilinis, natatanggal, nakakasuhan at nakukulong ang mga ito.


“Alam kong maraming matino diyan sa PhilHealth. Unahin po natin ang interes ng bawat Pilipino at ibalik natin ang pera na dapat sa kanila,” pahayag ni Senador Go.


“Ito po ay ang pinaghirapang remittances ng mga [overseas Filipino workers] na nagpapakamatay at nagpapawis sa ibang bansa. I’m appealing to PhilHealth na gamitin ang pera sa tama,” aniya pa.


Pinasalamatan naman ni Go sina Presidential Assistant for the Visayas Secretary Michael Lloyd Dino, Governor Arthur Yap, Representative Kristine Alexie Tutor, Ubay Mayor Constantino Reyes at Vice Mayor Victor Bonghanoy at Dr. Edwin Orina at iba pa sa tulong ng mga ito sa paglulunsad ng Malasakit Center.


Ayon kay Go, umaasa ito na uunahin ng mga ito ang kapakanan ng mga pasyente.


“Sana po ay unahin po natin ang ating mga pasyente. Huwag po natin silang pabayaan at malaki po ang inaasahan nila sa atin na makapagserbisyo tayo sa kanila,” ayon kay Go.


Bilang dating aide ni Pangulong Rodrigo Duterte ay nasaksihan nito ang mga paghihirap na pinagdaanan ng mga ordinaryong mamayan para lamang maka-avail ng medical at pinansiyal na ayuda mula sa gobyerno.


Ito aniya ang dahilan kung bakit naitatag ang unang Malasakit Center sa Cebu City sa loob ng


Vicente Sotto Memorial Medical Center.


“Mayor pa si Pangulo, marami ng mga pasyente kahit hindi taga Davao ang lumalapit sa kanya at humihingi ng tulong. Doon ko nakita ang kanyang puso para sa mga mahihirap. Walang pinipili,” ani Go.


“Kaya nung naging presidente siya, sabi ko ano ba ang puwede nating gawin para mapabilis ang serbisyo at doon nag-umpisa ang Malasakit Center. Dati, kailangan pa nilang pumila sa iba’t ibang ahensya. Ubos na nga oras, ubos pa pera nila at kailangan pa ibenta ang kalabaw. Ngayon, may Malasakit Center na kung saan nasa iisang kwarta na ang apat na ahensya at handang tumulong,” dagdag pa ni Go.


Matatandaan naman na taong Dec. 2019 ng maging batas ang Malasakit Centers Act of 2019 na kung saan si Go ang pangunahing may akda nito.


Ang Malasakit Center ay isang one-stop-shop kung saan ang mahihirap at indigent na mga pasyente ay maaaring mag-apply para sa libreng medical at pinansiyal assistance mula Department of Health, Department of Social Welfare and Development, PhilHealth and Philippine Charity Sweepstakes Office.


Sa ilalim ng batas dapat na maipatayo ang Malasakit Center sa lahat ng DOH Run Hospital.


“Sabi ko naman, kung ano pwede nating maitulong sa ating kababayan, bigay na natin. Bakit pa natin sila pahihirapan kung kaya naman natin na sa isang kwarto, isang araw lang tapos na ang proseso? Kung ano po ang nasimulan at natutunan ko sa Davao, dadalhin ko sa buong bansa bilang patuloy na serbisyo sa tao, sa bayan at sa Diyos,” aniya pa ni Go.


Source: https://www.smninewschannel.com/pang-88th-na-malasakit-center-binuksan-sa-lalawigan-ng-bohol/