Naging mapaghamon ang 2020 para sa buong mundo. Sa Pilipinas, samu’t saring krisis ang ating hinarap dulot ng COVID-19 pandemic at mga kalamidad na sumubok sa ating katatagan bilang bansa. Ngunit natapos man ang 2020, hindi natatapos ang serbisyong may malasakit sa mga Pilipino.



Noong Sabado lamang, January 9, nag-abot tayo ng mga bagong bisikleta at iba pang assistance sa mga miyembro ng Go Bikers sa Bgy. Bañaga, Bugallon, Pangasinan. 



Ang Go Bike Project ay grupo ng kabataan na boluntaryong rumeresponde at naghahatid ng agarang serbisyong pangkalusugan sa kanilang komunidad. Hanga tayo sa kanilang inisyatibo na nagpapatunay ng bayanihan at pagmamalasakit ng kapwa nating Pilipino sa mga nangangailangan.



Nitong Linggo, January 10, namigay din tayo ng tulong sa mahihirap na residente ng Janusa, Talim Island, Binangonan, Rizal. Sinundan ito ng pamimigay natin ng tulong kahapon, January 12, sa mga apektado ng nakaraang bagyo sa Baggao, Enrile, at Amulung sa Cagayan province, pati rin sa Kabugao, Apayao. Personal din tayong nag-abot ng tulong sa mga tricycle drivers, padyak drivers, at mga biktima ng sunog sa Obando, Bulacan bago ako pumunta sa Rodriguez, Rizal para sa pagbubukas ng pang-98 na Malasakit Center sa Casimiro A. Ynares, Sr. Memorial Hospital.



Bukod sa tulong sa mga kababayan natin sa iba’t ibang parte ng bansa, marami ring Pilipino sa iba’t ibang parte ng mundo, lalo na mga Overseas Filipino Workers, na pinakaapektado ng pandemyang ito. Marami sa kanila ay nawalan ng trabaho dahil sa COVID-19. Kaya noong Sabado, sa ating pagdalo sa online forum na inorganisa ng United Filipino Global, nangako tayong ipaglalaban natin ang pagpasa ng batas na bubuo sa Department of Overseas Filipinos o DOFil.



Kapag usapang overseas Filipinos, iisang boses lang ang dapat nating pakinggan at magpapagitna ng lahat. Dapat mayroon tayong department na Cabinet-level na may secretary na siyang mangunguna sa pagresponde sa pangangailangan ng mga overseas Filipinos.



Para sa patuloy na pagbangon natin mula sa COVID-19 pandemic, mahalagang maipaliwanag natin sa mga Pilipino ang mga hakbang na ginagawa ng gobyerno upang masigurong may sapat, ligtas at epektibong bakuna ang bansa laban sa sakit, at kung paano makatutulong ang bawat Pilipino upang malampasan ang krisis na ito.



Mahalagang makaabot ang mga bakunang ito sa mga pinaka-nangangailangan. May mga taong hindi pa alam kung saan pupunta at hindi alam kung ano ang ibig sabihin ng vaccine. Huwag nating pabayaan ang mahihirap at vulnerable sectors lalo na ‘yung mga walang pambili. Unahin natin sila, pati na rin ang mga frontliners. Sila ang kailangan lumabas at magtrabaho upang buhayin ang pamilya nila — mga isang kahig, isang tuka.



Marami pa tayong oportunidad upang magtulungan at maipakita ang pagmamalasakit sa kapwa. Isa na rito ang pagkalat ng tamang impormasyon sa publiko. Sama-sama nating palakasin ang information dissemination and awareness campaigns hindi lamang para masiguro ang patuloy na kooperasyon ng mga Pilipino, kundi para na rin mapanatag sila na hindi natutulog ang serbisyo mula sa gobyerno upang mabigyan sila ng sapat, ligtas at epektibong bakuna laban sa COVID-19.



Kung may tamang impormasyon ang publiko, mas may kakayahan tayong mas palakasin lalo ang bayanihan para sama-sama nating maiahon ang bansa mula sa hirap na dulot ng pandemya. 



Sa pag-uumpisa ng 2021, ilang mga suliranin ng ating bansa ang layunin nating itaguyod sa Senado, lalo na sa ikinakasa nating Bayanihan 3 law na naglalayong paigtingin ang mga mekanismo upang maibalik ang sigla ng ekonomiya at kabuhayan ng ating mga kababayan. 



Una na riyan ang pagsigurong walang magugutom na Pilipino. Ikalawa ay ang pagsisigurong magiging matagumpay ang pagbabakuna laban sa COVID-19, lalo na sa mga ordinaryong manggagawa, tulad ng mga drayber sa pampublikong transportasyon na malaki ang gagampanang tungkulin upang muling mabuksan ang mas maraming sektor ng ating ekonomiya.



At pangatlo, bukod sa paglutas ng kagutuman at pagkakaroon ng sapat na bakuna, kailangan nating maibalik ang mga trabaho ng mga nawalan ng kabuhayan. Sa pamamagitan nito, mas mapabibilis ang pagbangon at mas maiibsan ang lumalalang kahirapan sa bansa.


Source: https://www.bulgaronline.com/post/sisiguruhin-nating-may-sapat-ligtas-at-epektibong-bakuna-ang-lahat-ng-mga-pinoy