MANILA, Philippines- Naghatid ng ayuda ang tanggapan ni Senator Christopher “Bong” Go sa mga solo parent sa Biñan City, Laguna kamakailan.


Sa relief activity sa Umbria 180 Events and Sports Hall, hinimok ni Go ang mga solo parent na samantalahin nang husto ang mga livelihood grant mula sa Department of Social Welfare and Development.


Pinaalalahanan niya ang mga ito na gamitin nang matalino ang mga ayuda para magkaroon sila ng matatag na pagkakakitaan para matustusan ang pangangailangan ng kanilang pamilya.


“Maraming salamat sa DSWD para sa kanilang Sustainable Livelihood Program. Isa ito sa mga programa ng gobyerno na naglalayon magbigay ng suporta sa mga Pilipino para makapagsimula kayo ng sarili ninyong hanapbuhay,” ayon kay Go.


“Mga kababayan, gamitin niyo ang pera sa tama. Mas masarap sa pakiramdam ‘pag pinagpaguran natin ang ating kinikita. Gamitin niyo ang magiging kita niyo para sa inyong mga pamilya, lalo na ngayong nasa gitna tayo ng pandemya,” patuloy niya.


Bukod sa livelihood grants na ibinigay ng DSWD sa mga kwalipikadong solo parents, namahagi rin ng mga pagkain at mask ang grupo ng senador sa 622 solo parents. Ang mga piling indibidwal ay binigyan din ng sapatos, computer tablet at bisikleta.


Tiniyak ni Go sa mga benepisyaryo na patuloy niyang isinusulong ang pagpasa ng isang panukalang batas na mag-aamyenda sa Solo Parents’ Welfare Act of 2000 at magbibigay-daan sa gobyerno na magbigay ng mas mahusay na suporta sa mga single-parent household.


Inihain noong 2020, ang Senate Bill No. 1411, na co-authored at co-sponsored ni Go, ay nag-aatas sa pagbuo ng isang komprehensibong pakete ng mga serbisyo sa proteksyong panlipunan para sa mga solong magulang at kanilang mga anak.


Lahat ng empleyadong solong magulang ay magiging kwalipikado rin sa pitong araw na bakasyon ng magulang na may bayad. Ang panukala ay naipasa na sa ikatlo at huling pagbasa sa Senado noong Disyembre 13.


Bilang tagapangulo ng Senate committee on health and demography, nag-alok si Go ng karagdagang tulong sa mga may problema sa kalusugan at pinayuhan silang bisitahin ang alinman sa dalawang Malasakit Center sa lalawigan na matatagpuan sa General Emilio Aguinaldo Memorial Hospital sa San Pablo City at Laguna Medical Center sa Santa Cruz. RNT


Source: https://www.remate.ph/solo-parents-sa-binan-city-laguna-inayudahan-ni-bong-go/