MANILA, Philippines- Inihayag ni National Defense Secretary Delfin Lorenzana na walang basehan o walang katotohanan ang akusasyon ni retired Lt. Gen. Antonio Parlade Jr. na kinokontrol ni Senator Christopher “Bong” Go at ng sinoman ang mga desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.


“In the years I have known the President, he has always been his own man. The President stands by his own decisions, has always been firm in his directives to us who are working for him, and is not as easily swayed or influenced by others as purported by the general,” ang sabi ni Lorenzana sa kanyang press statement.


Ayon kay Sec. Lorenzana, si Bong Go ang umasiste sa DND para madoble ang suweldo ng uniformed personnel, batay sa direktiba ng Pangulo.


Consistent din aniya si Go sa pagsuporta sa DND sa lahat ng programa nito at modernization efforts at pinatunayan ito mismo ng Defense secretary.


“In all these endeavors, Bong Go’s support to the DND and AFP has not abated. He has always been our main bridge to the President and I have not known any instance when SBG acted outside the wishes and decisions of the President,” sabi ni Lorenzana.


Idinagdag ni Lorenzana na nananatili ang AFP bilang professional organization at patuloy na naglilingkod para sa interes ng sambayanang Filipino, anoman ang maging mukha ng pulitika sa bansa.


Sinabi rin ni Lorenzana na walang katotohanan ang mga alegasyong may namumuong gusot o pagkadiskuntento sa AFP.


Pinabulaanan din ni Go ang akusasyon sa kanya ni Parlade sa pagsasabing umaasiste lamang siya sa Pangulo para masigurong ang mga desisyon ng Chief Eexecutive ay maayos na maiimplementa.


“Nasagot na mismo ni Pangulong Duterte na walang nagkokontrol sa kanya, may mga statement siya, siya mismo ang nagsabi na hindi naman siya magiging Pangulo kung pinapaikot lang siya ng ibang tao. Matalino po ‘yang si Pangulong Duterte, naging pangulo nga ‘yan eh at iginagalang,” sabi ni Go.


“So desisyon niya po ‘yan, tanging siya lang po ang gumagawa ng kanyang magagandang desisyon, at tumutulong lang po ako sa kanya mula po noon. Hanggang ngayon tumutulong pa rin po ako sa kanya. Pero hindi ibig sabihin eh ako po ang nagde-desisyon,” idinagdag ng senador.


Kabilang sa mga desisyon ng Pangulo na naging tagapamagitan siya ay ang pagtataas ng suweldo ng uniformed personnel na nagbenepisyo sa sandatahang lakas at iba pa.


Noong 2018, nilagdaan ng Pangulo ang Congress Joint Resolution No. 1 na nagdoble sa base pay ng isang private sa Armed Forces of the Philippines, police officer 1 sa Philippine National Police, at katumbas na ranggo sa Bureau of Jail Management and Penology, Bureau of Fire Protection, Philippine Public Safety College, Philippine Coast Guard, at National Mapping and Resource Information Authority.


“Halimbawa, nabanggit kanina ni Gen. Parlade maraming mga desisyon at isa na rito ang pagdoble at pagtaas ng suweldo ng ating mga uniformed personnel na nakabuti sa, nakakabuti sa morale ng lahat ng kasapi ng Armed Forces, PNP, Bureau of Fire (Protection), BJMP at Coast Guard,” ani Go.


“Sa totoo lang po, ako ang inutusan ni Pangulong Duterte dahil nangako siya noong 2016 at naisakatuparan nitong 2018, pinaghirapan natin ito sa legislation, sa executive, pinirmahan ni Pangulong Duterte. Ngayon po doble ang sahod ng entry position ng Armed Forces at iba pang uniformed personnel,” idinagdag niya.


Sinabi ni Go na ayaw na niyang patulan ang akusayon sa kanya ni Parlade sa pagsasabing nirerespeto niya ang heneral.


“Ayaw ko na pong makipagsagutan kay Gen. Parlade dahil nirerespeto ko siya. At sa katunayan po nakakausap ko naman po siya. Isa rin po ako sa nagrekomenda sa kanya na maging Undersecretary ni Sec. (Hermogenes) Esperon at alam nila ang katotohanan,” ani Go.


“Umiinit na po ang pulitika pero hayaan natin ang taumbayan ang humusga pagdating ng panahon. Katulad ng sinabi ko, mas kailangan nating tutukan ang pagtulong sa ating kapwa Pilipino habang tayo’y unti-unti bumabangon mula sa krisis na ito,” ayon sa kandidatong pangulo sa darating na halalan. RNT


Source; https://www.remate.ph/walang-nagkokontrol-kay-pduterte-go-lorenzana/